Ang sulat ni Maria

Forwarded email:

 

Registered nurse si Maria sa States. Kasama nya ang kanyang ina na nagpapagamot din doon pero di nagtagal namatay din ito.  Dahil sa kamahalan ng pasahe pabalik sa Pinas, nagtipid si Maria.  Pina-uwi nya na lang ang kabaong ng kanyang ina nang mag-isa.

 

Pagdating ng kabaong, napansin ng mga kapamilya nya na dikit ang mukha ni nanay sa salamin ng ataul. Nagkomento ang isang anak, “Ay naku! Tingnan mu yan… hindi sila marunong mag-ayos ng bangkay sa Amerika!”

 

Upang ayusin ang bangkay, binuksan ang kabaong.  Aba! May sulat sa dibdib ng ina. Kinuha nila ito at binasa. Ang nilalaman ng liham ay mula kay Maria:

 

 

Mahal kong tatay at mga kapatid,


Pasensya na kayo at hindi ko masamahan si nanay sa pag-uwi dyan sa Pinas dahil napakamahal ng pamasahe. Ang gastos ko pa lang sa kanya ay higit $1,000 na. Ayoko ng isipin ang eksaktong halaga. Anyway, pinadala ko kasama ni nanay ang mga sumusunod…


Nasa likod ni Nanay ang dalawangput-apat na Carne Norte.  Ang Adidas na suot ni nanay ay para kay tatay.  Ang limang pares na degoma ay nasa loob ng dalawang asul na Jansport na bagpack na inuunan ni nanay. Tig-iisa kayo.  Ang iba’t-ibang klase ng tsoklate at candy ay nasa puetan ni nanay.  Para sa mga bata ito. Bahala na kayong magparte-parte. Sana’y di ito natunaw.  Ang Pokemon stuff toy na yapos-yapos ni Nanay ay para sa bunso ni ate. Gift ko sa first birthday ng bata. Ang itim na Esprit bag ay para kay Nene.  Ate, nasa loob ng bag ang pictures ni inay, Japanese version ng Pokemon trading cards and stickers.  Suot ni Nanay ang tatlong Ralph Lauren, apat na Gap at dalawang Old Navy t-shirts. Ang isa ay para kay kuya at tig-isa ang mga pamangkin ko. Maisusuot nyo yan sa fiesta.  Suot din ni inay ang anim na panty hose at tatlong warmer para sa mga dalaga kong pamangkin. Isuot ninyo yan sa mga parties.


May isang dosenang NBA caps sa may paanan ni Inay… para kay itay, kuya, dikong, Tiyo Romy. Bigyan nyo na rin ng tig-iisa yung mga pamangkin ko at iyong isa ay para kay Pareng Tolome.  Ang tig dalawang pares ng Nike wristband at knee caps na suot din ni Inay ay para sa mga anak mo kuya na nagbabasketball.  Tigdalawang ream ng Malboro Green at Winston Lights ang nasa pagitan ng mga hita ni Inay.  


Apat na jar ng Skippy peanut butter, dalawang dish washing liquid, isang Kiwi glass cleaner, at tig-anim na Colgate at Aqua Fresh ang nakasiksik sa kili-kili ni Nanay. Hati-hati na kayo… Huwag mag-aagawan.


Isang dosenang bra na gustong-gusto ni Ka Iska, suot-suot din ni Nanay. Alam kong inaasam! -asam ninyo iyan t’ya.  Ang hikaw, kwintas (na may nakakabit na nail cutters), singsing na gustong gusto mo ate, suot-suot din ni Inay. Kunin mo na rin agad ditche.  Mga Chanel at Champion na medyas ang suot-suot din ni Inay. Tig isa kayo ng  mga pamangkin ko.


Mga pampers, panty liners, cotton buds, cotton balls, table napkins at  mga scotch brite na may foam ay natatakpan ng mga puting bath towels… iyon bale ang pinang-kutson ko sa kabaong ni Nanay.  Marami-rami rin iyan…  Parte-parte na kayo.


Marami pa sana akong ilalagay kaya lang baka mag-excess at si Nanay pa ang maiwan.


Basta parte-parte na kayo Tatay, Kuya, Ate, Nono, Nene… para sa inyong lahat iyan. Bahala na kayo kay Nanay. Ipapa-misa ko na lang siya dito. Balitaan na lang ninyo ako pagkatapos ng libing.


Paki-double check nga rin pala ang lista kung walang nawawala sa mga ipinadala ko.



Nagmamahal,


Maria


P.S. Paki bihisan ninyo agad si Nanay!!!



Leave a comment